INPS Japan
HomeLanguageTagalog‘Smart Farms’, Ginagawang Husto at Sustinable ang Agrikultura ng...

‘Smart Farms’, Ginagawang Husto at Sustinable ang Agrikultura ng Thailand

Ni Kalinga Seneviratne

CHANTHABURI, Hilagang-Silangang Thailand (idn) – Ang mga magsasakang Thai ay bumabalik sa mga pangunahing kaalaman sa ilalim ng formula na “Smart Farms” na sinusuportahan ng modernong information communication technology (ICT) na isinama sa Buddhist na konsepto ng ‘sufficiency economy’ upang gawing sustinable ang lifeblood ng kaharian – agrikultura at mga small-scale na magsasaka nito – sa nakikinitang hinaharap.

“Gumagamit ang ilang magsasaka ng kemikal na pataba upang makakuha ng mas maraming bunga [mula sa kanilang mga puno] (ngunit) namamatay ang mga puno ng mga ito sa loob ng tatlo hanggang limang taon. Gumagamit kami ng organikong pataba rito at tatagal ang mga puno namin nang 30 taon” sabi ng magsasakang si Sittipong Yanasa, sa pakikipag-usap sa IDN sa kanyang mayabong at multi-cropping na taniman ng durian dito.

“Nakakakuha kami ng sapat na mga tuyong dahon para sa aming pataba,” dagdag niya, habang itinuturo ang mga luntiang bundok na pumapalibot sa kanyang taniman. Habang ipinapakita ang mga tanim na saging na tumutubo sa pagitan ng kanyang mga puno ng durian, ipinaliwanag niya na ginagamit ang mga puno pagkatapos anihin ang mga prutas, isang pamamaraan na naipasa mula sa aming mga ninuno.

Ang taniman ng durian ni Sittipong ay mayroon ding mga tanim na saging, papaya, rambutan, mangosteen, paminta, niyog, at longan, na nagbibigay sa kanya ng kita sa pagitan ng mga pag-ani ng durian. Kamakailan, nagtanim siya ng ilang kape at mayroon siyang maliit na lugar para sa mga puno ng goma na nagdaragdag sa kanyang kita. Nagtanim din siya ng kawayan bilang mga panangga ng hangin at nagbibigay sa kanya ang matataas na puno ng kawayan ng materyales bilang suporta para sa mga puno ng saging (kapag nagkaroon ng bunga) at pati na rin para sa pamimitas ng prutas.

“Isa itong napakamaalagang halamanan,” sabi ni Professor Kamolrat Intaratat, Direktor ng Center of Communication and Development Knowledge Management (CCDKM), ang organisasyon niya ay tinulungan si Sittipong sa pagpapairal ng mga ICT upang pagbutihin ang kanyang kaalaman sa organikong pagsasaka at pagma-market.

“Ang pilosopiya ng CCDKM ay nagtatrabaho kami gamit ang conceptual base integration at isang modelo ng kooperasyon, na nakikipagtulungan sa mga taong nasa laylayan ng lipunan,” paliwanag ni Kamolrat, pagkatapos samahan ang IDN sa isang tour ng sakahan. “Pinakamahalaga na lumikha ng mga proyekto na bumubuo ng kita… maliliit na magsasaka ang karamihan ng mga Thai, kaya tinitingnan namin kung paano gamitin ang ICT upang pangasiwaan ang matalinong pagsasaka sa Thailand.”

Nagpatuloy si Kamolrat sa pagpapaliwanag na sinanay ang mga magsasaka sa ICT literacy at kung paano mag-access ng impormasyon. “Pagkatapos kaming magsanay kung paano analisahin ang impormasyong ito (upang malaman) ang presyo ng produkto ng sakahan, at nagkakaroon sila ng access sa maraming [modelo] sa pagpepresyo sa sakahan … mula sa pamahalaan, mga pribadong merkado at merkado sa pag-e-export. Sa gayon ay makakapagpasya ang mga magsasaka kung ano ang pinakamainam na presyo para maibenta nila ang produkto.

“Ipinapakita namin kung paano magagamit ang ICT sa mga organiko at ekolohikal na sistema ng pagsasaka … Ang matalinong pagsasaka ay hindi lang tungkol sa mga ICT, ngunit pati rin sa mindset at mga makabagong proseso sa pamamahala ng kanilang mga sakahan.”

Sa pagtatapos ng 2015, humigit-kumulang 35 porsyento ng Thai workforce ang nagtatrabaho sa agrikultura, pangunahin bilang mga small-scale na rural na magsasaka. Upang pangalagaan ang mga rural na magsasaka ng Thailand at gawing sustinable ang kanilang ikinabubuhay, nagpakilala ang pamahalaan ng Thailand ng maraming programa sa mga nakaraang taon sa ilalim ng pilosopiya ng ‘sufficiency economics’, na unang naisip ng yumaong King Bhumibol Adulyadej noong 1998, noong kinaharap ng kaharian ang isang malubhang krisis pang-ekonomiya.

Nagmula sa malalim na tradisyong Buddhist ng Thailand, binibigyang-diin ng konseptong ito ang ‘middle way’ – ang kahalagaan ng balanse. Ang sustainability at sufficiency ay parehong nasa kaibuturan ng pilosopiyang ito, kung saan ang pag-unlad ng tao ang saligang layunin nito. Ang pagbabahagi (ng kaalaman at mga kayamanan) sa halip na kumpetisyon at eksploytasyon ang mahahalagang aspeto ng sistemang ito.

Kung kaya itinataguyod ng pamahalaan ng Thailand ang pagbuo ng mga kooperatiba ng mga magsasaka na partikular sa lugar gamit ang mga pananaw na kapareho ng pilosopiya ng ‘risk management’ at ‘stakeholder’ sa Western economics na naging sikat noong dekada ‘90.

Upang mapabuti ang sustainability ng kabuhayan ng rural na sektor, naglatag ang pamahalaan ng Thailand ng ilang hakbang sa ilalim ng pilosopiyang ito, tulad ng mga pautang sa pamamagitan ng mga pondo ng nayon at mga programa sa pag-unlad ng nayon para sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga tao sa pamamagitan ng Pracharat grassroots projects.

Isa sa mga kampanya sa ilalim ng Pracharat (“kalagayan ng mga tao”) approach ay isang pamamaraan na binuo kasama ang Kasetsart University at ang Thai Chamber of Commerce upang mabuo ang “Thai GAP” standard, na isang sistema para sa kaligtasan ng prutas at gulay ayon sa magagandang gawing pang-agrikultura o good agricultural practices (GAP), na isinasaalang-alang ang kalidad ng pamamahala ng lupain, lupa, mga punla, pamamahala ng tubig, pagpapataba, pamamahala ng peste, kaligtasan ng mamimili at pangangalaga ng kapaligiran.

Kapag na-certify ng Thai GAP, makakatanggap ang mga producer ng sarili nilang QR Code nang sa gayon ay makita ng mga smartphone user (mga consumer) ang impormasyon tungkol sa produkto. Ang inisyatibang ito ay isang paraan ng pag-ahon sa sektor ng pagsasaka papunta sa digital era kung saan ang mga consumer na gusto ng masusustansyang produkto ay maaaring makausap nang direkta ang mga magsasaka.

Nakikipagtulungan ang CCDKM sa ‘Matatalinong Magsasaka’ upang makamit ang GAP certification na ito at isa ang sakahan ni Sittipong sa mga nagkamit ang katayuang ito. “Para sa karamihan ng mga GAP (certified) na magsasaka, hindi sapat ang kanilang ani para sa demand dahil sobra na ngayong nag-aalala ang mga tao tungkol sa kanilang kalusugan,” sabi ni Kamolrat. Gayunpaman, “may mga pre-order ang durian at saging sa sakahang ito … sa ngayon, ang durian orchard ay naka-book na sa susunod na tatlong buwan.”

“Napaka-self-sufficient ng aming sakahan. Sa ngayon, napakataas ng demand at hindi namin matugunan ang pangangailangan ng lahat,” kinumpirma ng misis ni Sittipong na si Narisara. Ipinaliwanag niya na nakamit ang sufficiency ng sakahan sa pamamagitan ng pagma-maximize sa pagtatrabaho ng pamilya kabilang ang kanyang anak na babae at manugang na lalaki.

Idinagdag din niya na ang paggamit ng mga ICT ay nakatulong sa pamilya na mapagbili ang ani at makakuha ng mas mataas na presyo para sa mga prutas nito, lalo na sa mga supermarket na bumibili sa mga saging nito sa magandang presyo “dahil ipinapahiwatig ng GAP certification ang export quality nito.”

Sinabi ni Sittipong sa IDN na nagagawa niyang maitago ang kanyang kita mula sa ani ng durian “sa bangko” dahil nakakakuha siya ng malaking kita mula sa iba pang panamim tulad ng saging, paminta at niyog na nakakalat sa buong taon.

Si Sittipong ay isa na ngayong e-agriculture evangelist sa rehiyon, kino-convert ang iba pang magsasaka sa sufficiency at sustainable na pilosopiya ng organikong pagsasaka. Sinabi niya na kahit na bumili ka ng patabang galing sa labas, ang presyo ng organikong pataba ay isang-katlo ng kemikal na katapat nito, kaya kapag bumibisita ang ibang magsasaka sa kanyang sakahan at napapansin ang kanyang komportableng pamumuhay, hindi mahirap na mag-convert.

“Isa itong pilot farm upang ipabatid sa iba na kahit kayo lang mag-asawa ang magkasama, maaari kayong makagawa ng sarili ninyong sakahan,” sabi ni Kamolrat. “Ang mahalaga ay planuhin ang iyong pananim sa lahat ng oras.”

Samantala, nagsimula ang pamahalaan ng Thailand na ikalat ang sufficiency economics development philosophy nito sa ibang bansa. Noong pamunuan ng Thailand ang Grupo ng 77 umuunlad na bansa noong Enero 2016, sinabi ni Foreign Minister Don Pramudwinai sa mga kasaping estado na ang modelong ‘sufficiency economics’ sa holistic na pamamahala ng sakahan ay maaaring i-adopt ng karamihan sa kanila upang makamit ang lahat ng 17 Layunin ng Sustinableng Pag-unlad o Sustainable Development Goals (SDGs). [IDN-InDepthNews – Enero 28, 2018]

Nais pasalamatan ng IDN ang tulong ni Professor Kamolrat Intaratat at ng CCDKM sa pangangasiwa sa pagbisita sa ‘Smart Farm’.

Most Popular