INPS Japan
HomeLanguageTagalogMauritanian na Aktibista Kontra sa Pang-aalipin at Iranian na...

Mauritanian na Aktibista Kontra sa Pang-aalipin at Iranian na Aktibista sa Mga Karapatan ng Kababaihan, Binigyan ng Mga Parangal

Ni Jamshed Baruah

GENEVA (IDN) – Pinarangalan si Biram Dah Abeid, isang descendant ng mga dating alipin na siyang tinatawag na “Nelson Mandela ng Mauritania”, at Shaparak Shajarizadeh, isang prominenteng aktibista sa karapatan ng mga kababaihang Iranian, para sa kanilang tapang na labanan ang malulubhang paglabag sa mga karapatang pantao.

Si Abeid, na tagapagtatag ng Initiative for the Resurgence of the Abolitionist Movement (IRA), ay nagmobilisa ng libu-libong Mauritanian para iprotesta ang pang-aalipin at ang kabiguan ng gobyerno na ipatupad ang mga batas laban sa pang-aalipin.

Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga demonstrasyon, sit-in, hunger strike, martsa, at pagpapakalat ng impormasyon sa sariling bayan at ibang bansa, pinilit ni Abeid ang gobyerno na panagutin ang mga nagmamay-ari ng alipin para sa kanilang mga krimen at madagdagan ang kamalayan tungkol sa posibilidad ng isang Mauritania na walang alipin.

Ibinilanggo siya ng Mauritania nang maraming beses sa loob ng nakaraang dekada: noong Disyembre 2010, noong 2012, noong 2014 nang mahigit isa’t kalahating taon, at pinakakamakailan ay noong 2018 sa loob ng limang buwan.

Sa kabila ng pagharap sa pananakot at pagkabilanggo, nagtrabaho si Abeid na palakasin ang pagpapatupad ng mga batas ng Mauritania na nagbabawal sa pang-aalipin, at pagbutihin din ang integrasyon sa lipunan at kabuhayan ng mga dating alipin at iba pang miyembro ng mas nakakarami na black-African na populasyon na humaharap sa diskriminasyon.

Noong 2017, inilista si Abeid ng Time Magazine bilang isa sa nangungunang 100 pinakamahahalagang tao sa mundo.

Natanggap niya ang 2020 Geneva Summit Courage Award, samantalang si Shaparak Shajarizadeh, isang prominentent aktibista sa mga karapatan ng kababaihang Iranian – na ikinulong, binugbog at isinailalim sa kalupitan dahil sa pagtatanggal ng kanyang pantakip sa ulo sa publiko – ay ginawaran ng 2020 Geneva Summit International Women’s Rights Award sa isang seremonya noong Pebrero 2018. Ang parangal ay ibinigay ng isang internasyonal na koalisyon ng 25 samahan para mga karapatang pantao.

“Sa loob ng nakaraang dekada, ang aking gobyerno ay naging kilala dahil sa pagmamalupit, pagpapahirap, at pagbibilanggo ng mga payapang tao na ang tanging krimen ay ang pakikipaglaban para sa pagkakapantay-pantay at laban sa diskriminasyon,” sabi ni Abeid. “Ito ay para sa kanila, at sa diwa ng kanilang tapang, kaya ako’y nagpapakumbaba at lubos na nagpapasalamat na matanggap ang prestihiyosong parangal na ito.”

Napili si Abeid para kanyang “walang takot na paninindigan sa paglaban sa pang-aalipin sa Mauritania, na nagtatanggol sa daan-daang libong biktima habang isinasakripisyo ang kanyang sariling kalayaan”, sabi ni Hillel Neuer, ang ehekutibong tagapangasiwa ng United Nations Watch, isang katuwang na tagapag-ayos ng kumperensya kasama ng Liberal International, Human Rights Foundation, at mahigit sa 20 iba pang pangkat para sa mga karapatang pantao.

Kasama sa mga nakaraang laureate ng Courage Award ang dating pampulitikang bilanggo at Tibetan filmmaker na si Dhondup Wangchen, ang ikinulong na Saudi blogger na si Raif Badawi, ang lider ng oposisyon ng Venezuela na si Antonio Ledezma, at ang Russian dissident na si Vladimir Kara-Murza.

Ang dalawang nagwagi ng parangal – sina Abeid at Shajarizadeh – ay nagtalumpati sa mga diplomat ng UN, mga aktibista para sa mga karapatang pantao, at mga mamamahayag mula sa iba’t ibang panig ng mundo na dumadalo sa ika-12 taunang Geneva Summit for Human Rights and Democracy.

Ang aktibistang Iranian ay naging lider ng “Girls of Revolution Street” at “White Wednesday” na mga kilusan sa sibil na pagsuway. Noong Pebrero 2018, inaresto siya dahil sa pagtanggal ng kanyang hijab bilang pagsuway sa sapilitang batas ng Iran. Noong taong iyon, pinangalanan si Shajarizadeh ng BBC bilang isa sa 100 pinakanagbibigay-inspirasyon at nakakaimpluwensyang kababaihan sa buong mundo.

“Lubos akong nararangal na maging nominado para sa parangal na ito,” sabi ni Shajarizadeh. “Mas nahihikayat ako na ipagpatuloy ang aking munting ambag sa pagbabago ng mundo sa ngalan ng matatapang na kababaihang Iranian, at mga kababaihan sa lahat ng panig ng mundo, na inilalagay ang kanilang mga buhay sa panganib bawat araw upang kunin ang kanilang dignidad, lumaban para sa pagkakapantay-pantay, at ipagtanggol ang mga karapatang pantao.”

Napili si Shajarizadeh dahil sa kanyang “walang takot na pagtatanggol sa mga karapatan ng kababaihan sa Iran, kung saan siya ay ikinulong, binugbog, at isinailalim sa kalupitan”, sabi ni Neuer.

Kasama sa mga nakaraang laureate ng International Women’s Rights Award ang aktibista kontra sa FGM na si Nimco Ali, ang Congolese na aktibista kontra sa panggagahasa na si Julienne Lusenge, at ang Yazidi na miyembro ng Iraqi Parliament na si Vian Dakhil.

Sa pagtatalumpati sa ika-12 Geneva Summit, sinamahan ni Shajarizadeh ang iba pang kampeon ng mga karapatang pantao mula sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang ang mga dissident, aktibista, biktima, at kamag-anak ng mga pampulitikang bilanggo mula sa Iran, China, Pakistan, Cuba, Russia, Turkey, at Venezuela, na tetestigo sa sitwasyon ng mga karapatang pantao sa kanilang mga bansa.

Nangyari ang event ilang araw lang bago ang pangunahing taunang sesyon ng UN Human Rights Council, upang ilagay ang mahahalagang sitwasyon sa adyenda ng mundo. “Sentro ito ng interes para sa mga dissident sa buong mundo,” sabi ni Neuer.  [IDN-InDepthNews – Pebero 20, 2020]

Larawan: Collage nina Biram Dah Abeid mula sa Mauritania at Shaparak Shajarizadeh ng Iran.

Most Popular