INPS Japan
HomeLanguageTagalogAng Bagong Agenda sa Kaunlaran ng UN ay Nagtatalaga...

Ang Bagong Agenda sa Kaunlaran ng UN ay Nagtatalaga ng Pangunahing Papel para sa Kabataan

Ni Rodney Reynolds

UNITED NATIONS (IDN) – Itinuturo ni Secretary-General Ban Ki-Moon, na patuloy na binibigyang-diin ang pangunahing papel na ginagampanan ng kabataan sa pagpapatupad ng 17 Sustinableng Tunguhin sa Kaunlaran (Sustainable Development Goals, SDG) ng UN hanggang 2030, na maraming kabataan sa buong mundo ang hindi timbang na naapektuhan ng mga krisis at pag-urong ng ekonomiya.

“Bilang tagahawak ng sulo ng bagong agenda sa kaunlaran, may kritikal na papel kayong gagampanan sa pagtapos ng kahirapan, di-pagkapantay-pantay, kagutuman at pagkasira ng kapaligiran. Magiging sentral ang mga kilos ninyo sa pagpasok ng panahon kung saan walang sinumang naiiwan,” sabi niya sa isang pagtitipon ng kabataan.

At sa buong mundo, higit 73 milyong kabataan ang walang trabaho, ayon sa pinakahuling estadistika ng UN.

Gayon man, mas maraming kabataan ngayon sa mundo kaysa kailanman sa kasaysayan ng tao: halos 46 porsiyento ng populasyon ng mundo ang mas bata sa 25. Africa at Gitnang Silangan ang may pinakamataas na proporsiyon ng kabataan — halos 60 posiyento ng populasyon, ayon kay Deputy Secretary-General Jan Elisasson.

“Ipinapakita nito ang kaibang pagkakataon para paunlarin ang mapagbagong mga solusyon sa kapayapaan at kaunlaran,” ayon kay Elisasson.

Sa gayong dahilan, nag-isponsor ang Soka Gakkai International (SGI) at Earth Charter International (ECI) ng isang napapanahong panel discussion ng UN sa “Pagpapalakas ng Kabataan at Pagpapatupad ng SDG,” na dinaluhan ng halos 100 kinatawan ng mga organisasyon ng lipunang sibil (civil society organizations, CSO), mga kabataang delegado, mga diplomat at nakatatandang opisyal ng UN.

Itinaguyod ng Sri Lanka Mission to the United Nations, naganap ang talakayan sa UN Secretariat noon Nobyembre 10.

Ang panel ay binuo nina Dr. David Nabarro, Special Adviser ng UN Secretary-General sa 2030 Agenda; Embahador Sabarullah Khan, Deputy Permanent Representative ng Sri Lanka sa United Nations; Saskia Schellekens, Espesyal na Tagapayo sa Sugo ng Kabataan ng UN Secretary-General at Sofia Garcia ng SOS Children’s Villages.

Ang talakayan ay pinamagitanan ni Maher Nasser, Direktor, Outreach Division ng Department of Public Information (DPI) ng UN.

Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ni Dr. Nabarro ang unibersalidad ng 2030 Agenda, at inulit-ulit na dapat maging bahagi ng sustinableng kaunlaran ang kabataan. Partikular niyang tinalakay ang kahalagahan ng kabataan bilang tagapagdala ng mensahe ng SDG sa mundo, at ang instrumentalidad ng bagong teknolohiya sa prosesong iyon.

Ipinapaalala ang prioridad na ibinigay sa kabataan ng kanyang gobyerno, sinabi ni Embahador Sabarullah Khan na nakagayak ipatupad ng Sri Lanka ang 2030 Agenda sa pambansang antas, pinanatili nito ang kababaihan, kabataan, mga bata at mga taong may disabilidad sa sentro ng pambansang plano nito, bilang pagsunod sa pangunahing bisyon ng Agenda na ‘walang sinumang iiwan’.

Sinabi niyang may kakaibang papel na gagampanan ang kabataan para matupad ang SDG at alam ng Gobyerno ng Sri Lanka ang papel na ito. Idinagdag niyang pinakatampok na papel na puwedeng gampanan ng kabataan sa pagsuporta sa pagkamit ng SDG ang pagdadala ng mensahe nito sa mas maraming tagapakinig sa mundo.

Naobserbahan ni Embahador Khan na nakita ng Sri Lanka ang positibong epekto ng pagpapakilos sa kabataan sa kampanyang pagpapabatid na ito.

Sinabi niyang kahit may ilang hadlang na nakakaapekto sa lubos na pagsangkot ng kabataan para makamit ang SDG, puwedeng maigpawan ang mga hadlang na ito sa pagbibigay ng kapangyarihan sa kabataan sa pamamagitan ng edukasyon, pagpapaunlad ng kasanayan at pagtutok sa inobasyon.

Binanggit niya ang pagpapaunlad ng Sri Lanka sa mapagsangkot na mga estratehiya sa pagpapalaganap ng edukasyon at pagbibigay ng kasanayan sa kabataan. Idinagdag pa niyang nang malaman ang halaga ng pagpapaunlad ng kasanayan ng kabataan, naging instrumental ang Sri Lanka sa pagdeklara ng Hulyo 15 bilang Pandaigdigang Araw ng Kasanayan ng Kabataan.

Pinasalamatan ng Espesyal na Tagapayo sa Sugo ng Kabataan sa UN Secretary-General na si Saskia Schellekens ang Sri Lanka sa tampok na papel na ginagampanan nito sa United Nations sa pagsusulong ng mga usapin sa kabataan. Binigyang-diin din niya ang halaga ng pagpapataas ng kaalaman sa SDG at pagpapakilos ng kabataan para sa layuning iyon. Idinagdag niyang mahalagang palakasin ang mga Ministeryo ng Kabataan bilang paraan ng pagbibigay-kapangyarihan sa kabataan.

Tinalakay ni Sofia Garcia ng SOS Children’s Villages ang halaga ng pagsasama sa kabataan sa mga estruktura ng pagpapasya tungkol sa SDG.

Ang kalidad ng kamusmusan ang naglalatag ng daan sa kaunlaran natin sa hinaharap — kapwa bilang mga indibidwal at mga lipunan, sabi ng SOS Children’s Villages International, na nakabase sa Vienna.

Sinasabi ng organisasyon na “may halaga lahat ng bata, pero hindi pinapahalagahan lahat ng bata.” Isinusulong nito ang pagsasama sa mga bata sa pambansa at pandaigdigang sistema ng pagsubaybay para sa SDG. “Pero ang di-katanggap-katanggap na puwang sa mga datos ay nananatili pa para isama ang mga batang ito,” babala nito.

Isang konseptong papel na ihinanda ng SGI at ECI, pinalabas nang nauna sa panel discussion, ang nagsabi na ang pagpapatupad at pagkamit ng SDG ay kailangan ng aktibong paglahok ng lipunang sibil, partikular ang nakababatang henerasyon. 

Ang pandaigdigang mga hamon na tinutugunan ng mga layunin ay hindi lamang seryosong umaapekto nang malaki sa kabataan ngayon, pero aapekto rin sa kanilang kinabukasan. Bilang dagdag, ang kabataan ay mahusay sa mga kasangkapan sa teknolohiya at social media, na puwedeng gamitin para palaganapin ang SDG at hikatayin ang mga inisyatibang sumusuporta sa mga ito.

Sinasalungguhitan ang mahalagang papel ng kabataan sa pagkamit ng SDG sa Transforming Our World: the 2030 Agenda for Sustainable Development, na nagpapahayag na: “Ang sinasabi namin ngayon — isang Agenda para sa pandaigdigang pagkilos sa susunod na 15 taon — ay isang kasunduan para sa mga tao at planeta sa ikadalawampu’t isang siglo.”

“Ang mga bata at kabataang babae at lalaki ang kritikal na mga ahente ng pagbabago at makikita sa bagong mga Layunin ang isang plataporma para paglagusin ang kanilang walang hanggang kapasidad sa aktibismo tungo sa paglikha ng mas mabuting mundo.”

Kasabay din ng pangyayari ang paglulunsad ng bagong mobile app ‘Mapting’: isang interactive app na pinaunlad ng dalawang kabataang kinatawan mula sa SGI at ECI, na layon ang edukasyon at pagsangkot ng kabataan sa SDG.

Habang inilulunsad ang bagong App, sinabi sa pulong ni Tadashi Nagai, Program Officer ng Sustainable Development and Humanitarian Affairs at SGI at co-project manager ng Mapting: “Natutuwa kaming magkaroon ng ganitong oportunidad na ilunsad ang App namin na pinangalanang Mapting dito sa United Nations.”

Sinabi niyang sinimulan noong Enero ang proyekto kasabay ng pagsisimula ng implementasyon ng SDG, pero inabot ng 10 buwan para mapaunlad ito.

Samantala, sumulpot ang ibang App na nagtataguyod sa SDG tulad ng “SDGs in Action” na ginawa ng UN, pero “inaasahan naming makatulong ang Mapting sa mga ito para mapataas ang antas ng kamalayan sa ordinaryong mga tao, lalo na sa kabataan, sa batayang antas.”

Isang biswal na presentasyon ang ginawa, kasabay ng pagsali ni Dino de Francesco ng ECI, co-project manager ng Mapting. [IDN-InDepthNews — 13 Nobyembre 2016]

Photo: An overview of the SGI-EIC event at the UN. Credit: Tsuneo Yabusaki.

Larawan: Pangkalahatang tanaw sa SGI-EIC na pangyayari sa UN. Kredito: Tsuneo Yabusaki.

Most Popular