Ni Kalinga Seneviratne
CHANTABURI, Hilagang-Silangang Thailand (IDN) – Isang passionate at socially conscious na doktor sa rural na komunidad sa pagsasaka na ito sa hilagang-silangan ng Thailand ang nakikipagtulungan sa isang paaralan para sa mga batang nasa laylayan ng lipunan, na sinusuportahan ng isang foundation na itinayo ni Princess Maha Chakri Sirindhom, ang pangalawang anak na babae ng yumaong King Bhumibol na namatay noong Oktubre 2016.
Nilalayon ng paaralan na bigyang-kapangyarihan ang mga estudyante na makapasok sa larangan ng medisina sa pamamagitan ng isang hindi nakasanayang career path na nagbibigay ng multi-faceted approach sa pagtutok sa Mga Layunin ng Sustinableng Pag-unlad o Sustainable Development Goals (SDGs).
Pagkatapos ng demonstrasyon sa paaralan ng kanyang mga estudyante ng isang natatanging Thai massage therapy na kanyang nabuo upang gamutin ang tinatawag na ‘office syndrome’ (mga problema sa leeg at balikat dahil sa matagal na pagka-expose sa pagtatrabaho sa harap ng isang computer screen), sinabi sa IDN ni Dr Poonchai Chitanuntavitaya, Chief Medical Officer ng Social Health Enterprise, na: “Mayroon ako ritong anim na estudyanteng Hmong (hill tribe) at napakasaya ng kanilang mga pamilya. Kung mananatili sila roon (sa mga bundok), magiging mga trabahador lang sila sa maisan ngunit dito maaari silang makakuha ng kaalaman, magkaroon ng pagpapahalaga sa sarili at balang araw ay maaari silang maging mga health professional.”
“Kapag nakapagsanay na ako, makakakuha ako ng mas maraming oportunidad para makapagtrabaho,” sabi sa IDN ng isa sa kanyang mga estudyante, ang 17 taong gulang na si Natetaya Janelinda. “Sa pagdaan ng panahon, makakatulong ako sa ibang tao na may sakit,” dagdag pa niya ay gusto niyang maging doktor balang araw.
Sinabi ni Professor Kamolrat Intaratat, kasangguni sa programang Smart Schools at Direktor ng Center of Communication and Development Knowledge Management (CCDKM), na nakikinig sa panayam, na: “Nagulat ako na sinabi niyang gusto niyang maging doktor. Kalimitan, ang mga batang nasa laylayan ng lipunan ay hindi naglalakas-loob na sabihin iyon. Ang programang ito ay nagbigay sa kanya ng kumpiyansa sa sarili.”
Habang ipinapaliwanag ang kanyang natatanging bersyon ng Thai massage, sinabi ni Dr Poonchai na tungkol ito sa pagsasama ng sinaunang karunungan sa pagmamasahe ng mga Thai sa modernong medikal na kaalaman, lalo na iyong may kinalaman sa kardiyolohiya, yamang siya ay isang sanay na espesyalista sa puso.
Dahil dito, pinag-aralan niya ang pisyolohiya ng katawan at nalaman na ang mga kalamnan ang nagpapa-stress sa mga tao at ginagawang pagkapagod o fatigue ang adenine rush ng katawan. “Lahat ng iyon ay maaaring baligtarin sa pamamagitan ng pag-uunat, at pagpuntirya (pagmamasahe) sa ilang punto ng kirot sa iyong katawan, kung gayon ay babalik sa kaayusan ang utak,” aniya.
“Para itong, kung isa kang bihasang meditator, maaaring mong mapa-relax ang buong katawan habang nagninilay … ngunit hindi maraming tao ang kayang gawin iyon. Kaya naisip ko ang therapy na ito upang gayahin ang epekto noon, upang pakawalan ang iyong naninigas na kalamnan para mag-relax. Tinatawag namin itong human maintenance service.”
Sa pagsasanay ng kanyang mga batang practitioner, kailangan niyang ipabatid ang medikal na kaalamang ito nang unti-unti sa kanyang mga mag-aaral. Ngunit, mas mahalaga, kailangan niya rin ng malalakas at malulusog na kabataan upang isagawa ang kasanayang ito.
Pumupunta ang mga tao sa paaralan tuwing Sabado at Linggo upang gumanap bilang mga modelo para mapraktis ng mga estudyante ang kasanayan na kanilang natututunan. Minsan ay nagpupunta rin sila sa lokal na palengke upang ibigay ang serbisyo. Kamakailan, sa isang siyam na araw na Red Cross festival sa bayan, inilaan niya ang 20 sa kanyang mga estudyante upang ialok ang masahe.
Ang Rajaprajanugroh 48, ang paaralan kung saan nag-aaral ang mga estudyanteng ito, ay may 548 mag-aaral at isang 100 percent boarding school dahil ang mga bata – na nag-aaral mula sa primary 1 hanggang sa antas ng senior high school – ay nanggaling sa mga maralita o dehadong pinagmulan, marami ay walang mga magulang, ang ila’y nalulong sa droga o nalulong sa electronic games, ang ilang bata ay napasok pa sa prostitusyon at 80 porsyento sa kanila ay nagmula sa mga pamilyang walang tahanan.
Ang foundation ni Princess Sirindhorn ay nilikha at pinopondohan ang 85 sa mga katulad na paaralan sa buong Thailand upang turuan ang mga batang nasa laylayan ng lipunan sa paggamit ng mga modernong ICT upang makalikha ng mga sustinableng kinabukasan sa pagbuo ng kita para sa kanilang mga sarili.
Ipinapaliwanag ni Kamolrat na ang patakaran ng foundation ay binuksan ang sistema ng edukasyon upang makapaglakbay sa dalawang landas ang mga batang nasa laylayan ng lipunan. “Ang una ay bokasyonal na pagsasanay dahil pagkaraan nilang magtapos ng senior high school, marami ay hindi nagkakaroon ng pagkakataong tumuntong sa unibersidad dahil umaalis sila para magtrabaho. Gusto ng Prinsesa na matuto sila ng mga kasanayan sa ICT para sa pagiging matatalinong negosyante … ang pangalawa ay para makapagpatuloy ang ilan sa isang edukasyon sa unibersidad.”
Ayon kay Kamolrat, “ang unang hakbang ng pagsasanay sa ICT ay simpleng e-commerce, pag-unawa na maaari nilang gamitin ang ICT para dalhin ang produkto sa merkado … mula sa pagpa-package hanggang sa PR hanggang sa pag-a-advertise. Sila mismo ang gagawa ng e-marketing. Tingnan ang stock, i-update ang catalogue, at pati na rin mag-e-banking. Kung paano mag-transfer ng pera gamit ang internet”.
Ang programa ni Dr Poonchai ay isang bagong inobasyon para sa ideya ng Smart School – isang institusyon sa pag-aaral na nakabatay sa teknolohiya ang pagtuturo upang ihanda ang mga bata para sa Information Age – sabi ni Kamolrat.
“Magaling magmasahe ang mga Thai, nagmula ito sa ating mga ninuno … sinusubukan ng doktor na ito na isama ang medikal na kaalaman sa katutubong kaalaman, sanayin ang mga kabataan sa ganitong uri ng masahe. Ito ay para maging academically at professionally trained … kapag nakakuha sila ng karanasan simula sa murang edad, maaari silang maging propesyonal na masahista, at walang duda ang sustainability nito,” katwiran niya.
Sumasang-ayon ang direktor ng paaralan na si Dr Supaporn Papakdee na ang pagsasanay na ito sa pagmamasahe ay nagdagdag ng bagong dimensyon sa Smart School na programa rito.
“Karaniwang wala akong kumpiyansa sa sarili (ngunit) ngayon, mayroon na ako sa pamamagitan ng pagtulong sa ibang tao,” sabi ng isa pang 17 taong gulang na trainee na si Thidarat Singthong. “Gusto kong maging nars sa hukbong-dagat,” dagdag pa niya.
Sinasabi ni Dr Poonchai na ang ipinakikilala niya sa kanyang mga estudyante ay isang mobile na modelo ng pagbuo ng kita kung saan maaari nilang puntahan ang mga tao sa pamamagitan ng, halimbawa, pagtatayo ng tindahan sa isang istasyon ng tren sa lungsod o sa mga lokal na paliparan kung saan maaaring ibigay ang treatment sa loob ng 10 minuto. Sa isang walong oras na shift, maaari nilang gamutin ang hanggang 40 tao sa isang araw, na magbibigay ng sustinableng kita.
“Ang office syndrome ay isang pandaigdig na problema at umaasa ako na balang araw ay makapagbibigay tayo ng mga propesyonal na therapist sa UN Development Program (UNDP),” sinabi niya nang may determinadong ngiti.
Inilalarawan ang kanyang sarili bilang isang “mahirap na doktor”, sinasabi ni Dr Poonchai na hindi niya ginagawa ito para yumaman ngunit gusto niyang gamitin ang panghinaharap na kita na nabuo ng kanyang proyekto upang ayusin ang ekolohikal na kalamidad na kinakaharap ng Thailand, sa mismong mga komunidad na pinagmulan ng mga kabataang ito. [IDN-InDepthNews – Enero 19, 2018]
* Nais pasalamatan ng IDN-INPS ang tulong ng CCDKM at ni Professor Kamolrat Intaratat sa pangangasiwa sa pagbisita sa proyektong Smart School.