INPS Japan
HomeLanguageTagalogBakit Mahalaga ang Kababaihan sa Epektibong mga Solusyon sa...

Bakit Mahalaga ang Kababaihan sa Epektibong mga Solusyon sa Pagbabago ng Klima

Ni Fabiola Ortiz

MARRAKECH (IDN) — Ang paglalatag ng malinaw na daan tungo sa pagsasama ng kababaihan at mga dalagita sa pandaigdigang pagsisikap sa pagbabago ng klima ay ilan sa pinakamalaking hamon na hinarap ng mga delegasyon at mga kumilos na hindi estado sa pinakahuling United Nations Climate Change Conference sa Marrakech.

Pormal na kilala bilang Twenty-Second Conference of Parties (COP22), nagkaroon ng espesyal na araw (Nobyembre 14) ang kumperensiya para talakayin ang mga usaping pangkasarian lang sa loob ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC).

“Ipinakita ng sunod-sunod na mga pag-aaral na pinakamahina ang kababaihan sa pagbabago ng klima kaya kailangan ng malakas na pamumuno sa usaping ito,” sabi ni UNFCCC Executive Secretary Patricia Espinosa.

“Kailangan nating unahin ang kahilingan ng kababaihan at mag-alok ng wastong tugon sa pagbabago ng klima,” sabi sa IDN ni Miriam Diallo-Dramé, Presidente ng Association of Women Leaders and Sustainable Development (AFLED). Ang AFLED ay nakabase sa Bamako, Mali, at binibigyang-kapangyarihan ang mga dalagita at kabataang babae sa pagitan ng mga edad 15 hanggang 35.

Ipinaliwanag ni Diallo-Dramé na dahil ang pagsunod sa pagbabago ng klima ay hindi maihihiwalay sa akses sa edukasyon, ang pakikibagay sa klima kung gayon ay dapat ding tanawin ang isang buong solusyon sa edukasyon ng kababaihan at pagpapaaral sa mga dalagita. “Binibigyan namin ng kapangyarihan ang mga dalagitang mamamayan at isinasangkot sila sa pagpapasya, hinihikayat silang maging bahagi ng panlipunang kaganapan sa Mali,” sabi niya.

Ang kababaihan sa rehiyon ng Sahel ay responsable rin sa kabutihan ng pamilya, madalas kailangang maglakad nang malayo para sumalok ng tubig at kumuha ng pagkain sa di-ligtas na mga daan, pansin niya, idinagdag na ang “yaman ay bihira sa rehiyon ng Sahara, at kadalasan iniiwanan ng kalalakihan ang kababaihan para magsaka. Meron silang sariling tradisyonal na paraan sa pakikibagay, pero hindi ito sapat, kailangan nila ng tulong.”

Bilang tinig sa Africa na nagsusulong na isama ang mga usaping pangkasarian sa mga pag-uusap tungkol sa klima sa Marrakech, ikinalungkot ni Diallo-Dramé na hindi wastong natutugunan ang usaping ito sa mga negosasyon.

May pakiramdam akong sa mataas na antas ng mga pulong na iyan, kaming kababaihan ng Africa mula sa Sahel ay maiiwanan dahil wala kami roon sa usapan. Hindi namin matugunan ang usaping pangkasarian sa sariling bansa namin, hindi nauunawaan ng mga gobyerno, lahat ng pagsasabatas tungkol sa kasarian at karapatang pantao ay nasa papel lamang at hindi naipapatupad. Kapag pinag-usapan ang katarungan sa klima ito ay para sa Kanluran at hindi para sa amin,” sabi niya.

Sa nakaraang dalawang linggo sa COP22 (7-18 Nobyembre 2016), nakipag-usap ang mga delegasyon ng bansa para sa pagpapatupad ng bagong kasunduang pandaigdigan na talakayin ang pagbabago ng klimang ipinasa sa Paris noong 2015. Sinasakop ng Paris Agreement ang isang wikang sensitibo sa pagkapantay-pantay ng kasarian at kinikilala ang responsibilidad ng Mga Partido na igalang at itaguyod ang mga obligasyon sa mga karapatang pantao sa pamamagitan ng pagkilos sa pagbabago sa klima na nananawagan ng “mga hakbang sa pakikibagay na sensitibo sa kasarian at mga aktibidad sa pagtatayo ng kakayahan.”

Sa Marrakech, inasahang isagawa ng Mga Partido ang Lima Work Programme on Gender — na dalawang-taong programa ng trabaho sa kasarian na inilunsad sa COP20 noong 2014. Malakas na itinaguyod ng mga grupo ng lipunang sibil ang malinaw na plano ng pagkilos sa kasarian sa loob ng UNFCC at suportang pananalapi para sa mga aktibidad sa ilalim ng Lima Work Programme.

“Nagsimula kami sa puntong hindi kami mga biktima, sumusulong na kami ngayon sa diskurso ng pagbibigay ng kapangyarihan,” sinabi sa IDN ni Maité Rodríguez Blandón, coordinator para sa Guatemala Foundation sa bansang Gitnang Amerika.

“Ang tibay sa klima ay manggagaling sa pagbibigay ng kapangyarihan sa kababaihan sa kanilang komunidad. Napakabuti ng organisasyon ng kababaihan sa lokal na antas at alam nila ang kanilang papel. Nakatutok kami sa pagbabago ng pananaw mula pagiging biktima tungo sa pagiging pangunahing kumikilos at bida para sa pagbabago.” Pinamumunuan ni Blandón ang Women and Peace Network in Central America na may batayang oganisasyon ng kababaihan mula sa Nicaragua, Guatemala, El Salvador, Costa Rica at Honduras. Ang trabaho niya ay tumutok sa kliusan ng batayang kababaihang nakikibaka para sa mga karapatan sa lupa, mga karapatan ng kababaihan at mas ligtas na lunsod para sa kababaihan sa nakaraang dalawang dekada. Sinabi niyang masyadong maraming pag-uusap at hindi sapat na pagkilos sa COP22.

“Nakita namin ang tumataas na paglahok ng mga grupo ng katutubo at kababaihan na hindi maiisip dati. Napakaikli ng Lima Work Programme on Gender at hindi mo makikitang banggitin ang pagbibigay ng kapangyarihan sa kababaihan sa teksto. Sumulong na ito nang walang duda, nakamit namin ang mas mataas na antas ng kamalayan, pero ayaw naming malagay sa gilid-gilid. Kailangan naming makita ang mas maraming kongkretong pagkilos,” binigyang-diin niya.

Ang pagpapalahok sa tinig ng katutubong kababaihan ay naging alalahanin din ni Victoria Tauli-Corpuz, ang UN Special Rapporteur sa mga karapatan ng katutubong tao. “Napakahalaga ng papel ng katutubong kababaihan dahil sila ang tunay na sangkot sa pambuhay na produksiyon ng pagkaing mababa ang karbon. Sila ang nangangalaga sa kapaligiran sa kanilang teritoryo. Ang papel nila ay tiyakin talaga na nasusustine ang biodiversity,” sabi niya a IDN.

Naniniwala si Tauli-Corpuz na may malakas na tutok sa kasarian ang COP22. “Narito ang kababaihan para tiyaking matutugunan din ang kanilang mga karapatan sa naaabot na mga pasya. Ang katutubong kababaihan ay malakas na alyado para sa mga solusyon sa pagbabago ng klima, nasa ubod sila dapat ng talakayan,” sabi niya.

Krusyal ang naging papel sa COP22 ng mga organisasyon ng lipunang sibil at mga kumilos na hindi mula sa estado, sabi sa IDN ni Driss El Yazami, Pinuno ng Pangkat Lipunang Sibil sa kumperensiya at Pangulo ng National Human Rights Council ng Morocco.

“Nagtipon-tipon dito ang mga grupo ng kababaihan mula sa ilang bansa para ilatag ang panimulang pundasyon ng African Network of Women for Climate Justice. Ang pag-abot sa Paris Agreement ay naimpluwensiyahan mismo ng lipunang sibil at mga kumilos na hindi mula sa estado. Kinikilala ng Paris Agreement ang mahalagang pagsangkot ng iba’t ibang kumilos, kasama ang mga di-panggubyernong organisasyon,” sabi niya.

Halos 1,500 lokal at rehiyonal na pinuno na kumakatawan sa higit 780 lokal at rehiyonal na gobyerno mula sa 114 bansa ang nagtipon-tipon sa Marrakech at naglunsad ng landas sa pagkilos para simulang ang pandaigdigang kampanya para dalhin sa lokal ang pagpondo sa klima sa 2017 at ipatupad ang ‘Global Action Framework for Localising Climate Finance’ sa 2020. [IDN-InDepthNews — 18 Nobyembre 2016]

Kredito sa larawan: Fabiola Ortiz | IDN-INPS

Most Popular