INPS Japan
HomeLanguageTagalogMga Sustinableng Kabuhayan sa likod ng Pagtitinda sa Kalye...

Mga Sustinableng Kabuhayan sa likod ng Pagtitinda sa Kalye sa Thailand

Ni Kalinga Seneviratne

KHAOSAN, Bangkok (IDN) – Kapag pinag-uusapan ng mga tao ang tungkol sa sustinableng kaunlaran, bihirang mabanggit ang maraming nagtitinda sa kalye na naghahanap-buhay sa mga lansangan sa Thailand, katulad ng sa iba pang bahagi ng Asya.

Maging ang mga pagtatangka na pigilan silang magnegosyo – tulad ng hindi matagumpay na pagtatangka ng gobernador ng Bangkok na alisin sa mga lansangan ng lungsod ang mga nagtitinda sa kalye – ay hindi napapansin sa media.

“Ang pagtitinda sa kalye ay malamang na makaakit ng mga turista sa Bangkok, bahagi ito ng pamumuhay ng mga Thai at gusto iyong maranasan ng mga turista,” sabi ni Pattama Valailert, isang consultant sa turismo.

Inihalimbawa ni Vilailert ang maraming turistang Chinese, na pagkatapos bumisita sa Bangkok ay nagpo-post ng mga litrato ng street food stall sa social media na nagva-viral at dahil dito, magpupunta ang ibang tao para kumain, kumuha ng litrato at ipo-post din ito sa katulad na social media. “Bahagi ito ng kanilang travel accomplishment,” katwiran niya. Noong nakaraang taon, kagulat-gulat na 10 milyong Chinese ang bumisita sa Thailand.

Noong Abril ng nakaraang taon, isang buwan matapos pangalanan ng CNN ang Bangkok bilang pinakamasarap na destinasyon para sa pagkaing kalye sa buong mundo, inanunsyo ng Bangkok Metropolitan Administration (BMA) na aalisin nito ang mga nagtitinda sa kalye sa mga bangketa ng Bangkok para sa kalinisan, kaligtasan at kaayusan.

Sinabi noon ni Wanlop Suwandee, punong tagapayo sa gobernador ng Bangkok, na “matagal nang sinasakop ng mga nagtitinda sa kalye ang mga puwesto sa bangketa at binibigyan na namin sila ng puwesto sa pamilihan na mapagbebentahan ng pagkain at iba pang produkto nang legal, kaya hindi magkakaroon ng pagtigil sa operasyon ito.”

Noong Hunyo ng nakaraang taon, nagsumite ang mga kinatawan ng mga nagtitinda sa kalye mula sa 50 distrito ng Bangkok ng liham kay Prime Minister General Prayut Chan-o-cha na nakikiusap na payagan silang magpatuloy na mangalakal sa mga lansangan dahil iyon ang kanilang ikinabubuhay. Iniulat ng Nation news group na inilarawan ng mga nagtitinda na masyadong marahas ang mga hakbang ng pamahalaan at ng BMA na limitahan sa mga itinalagang lugar at pamilihan ang mga nagtitinda sa kalye ng Bangkok.

Isa sa mga lugar na hindi saklaw ng pagbabawal ay ang backpacker tourist haven ng Khaosan, isang makasaysayang lugar sa kahabaan ng ilog ng Chayo Prayo. Sa loob ng maraming dekada, ang lugar na ito ay naging puntahan ng mga budget traveler dahil sa mga murang hostel at guesthouse nito … at mga nagtitinda sa kalye.

Sa ngayon, hindi lang mga Westerner ngunit maging mga Asian traveler ang naaakit sa kultura nito ng pagtitinda sa kalye, na lumilikha ng malakarnabal na kapaligiran matapos ang paglubog ng araw, kung saan nakalinya sa mga lansangan ang mga folding table at upuan ng mga food stall, na halos isinasara ang daan sa mga sasakyan. Bukod sa maraming hotel at pub sa lugar na naglalagay ng sarili nilang mga folding table at upuan sa kalye, napakaraming ‘tent’ stall ang itinatayo sa mga bangketa na nagbebenta ng mga bagay tulad ng mga damit, sapatos, bag, souvenir at iba pa.

Sa paglipas ng mga taon, ipinakita ng mga pag-aaral na ang pagtitinda sa kalye ay isang pangunahing kabuhayan para sa maraming Thai na may mababang antas ng edukasyon at sa gayon ay naging pangunahing pinagmumulan ng kita para sa mga maralitang pamilya ng lungsod, ilan sa mga ito ay dumayo mula sa mga nayon.

Dito sa Khaosan, ang mga nagtitinda ay sinasabing nagbabayad ng buwanang bayarin sa isang tao, maaaring ito ay renta sa lupa o may-ari ng tindahan kung saan nila ibinebenta ang kanilang pagkain, mga suhol sa pulis, o bayarin sa mga impormal na organisasyon sa lugar.

Gayunpaman, sinabi ni Nut, isang tindera ng pagkain na nasa edad 40 na maraming taon nang naglalako ng noodles mula kanyang kariton, na hindi binabayaran ng mga mobile stall ang pulis. “Kung mayroon akong nakapirming tindahan, kailangan kong magbayad” sabi niya sa IDN. Dagdag pa niya, “Mayroon akong pamilya sa Bangkok na pinapakain mula sa kinikita ko mula rito.” Ngunit isang tindero ng juice na nagngangalang Tot ang dumaing na, “Kailangan kong magbayad ng pera araw-araw para makapagnegosyo. Aarestuhin ako ng pulis kapag walang lagay. Pumupunta sila araw-araw para kumuha ng pera.”

Sinabi ng isa sa mga nagtitinda ng pagkain sa kalye, na isa raw Cambodian ayon sa isa sa kanyang empleyadong Burmese, na pinapatakbo niya ang kanyang stall nang 24 na oras bawat araw. “Ako ang nag-aasikaso sa gabi. Dumarating sa umaga ang kapatid kong babae.” paliwanag niya, na tumangging ibigay ang kanyang pangalan. Hindi niya gustong sabihin kung kailangan niyang bayaran ang pulis, ngunit ipinahiwatig niya na kailangan niyang magbayad sa “isang tao” para makapagnegosyo rito.

Pinagtatrabaho niya ang humigit-kumulang walong manggagawa – mga kalalakihan at kababaihan – na galing sa Myanmar. Mayroon siyang kusina at mga lamesa at upuan para sa kanyang mga kustomer sa ilalim ng limang tent. Lahat ng ito ay inaalis at itinatago sa likod ng isang pick-up truck nang Lunes ng umaga at ibinabalik nang Martes ng gabi, dahil hindi pinapayagan ang mga street stall na magbukas tuwing Lunes.

Sa kaswal na pakikipag-usap sa mga nagtitinda sa kalye, napansin ng IDN na karamihan sa mga nagtitinda ng mga hindi pagkain tulad ng mga damit, sapatos at bag ay galing sa Myanmar, ang ilan ay nagmula sa Nepal. Karamihan ay mukhang nasa edad 20 at 30. Hindi nila gustong ibigay ang kanilang mga pangalan. Sinabi ng isang babaeng Burmese, na nasa edad 30 na nagbebenta ng mga bag, na binabayaran siya ng kanyang “amo” ng 350 Bhat (humigit-kumulang 10 dolyar) kada araw dagdag pa ang dalawang porsyentong komisyon sa kada 1,000 Bhat na benta.

Sinabi ng isang 28 taong gulang na lalaki na nagngangalang Kumar na nagmula siya sa Nepal ngunit isa siyang mamamayan ng Myanmar na galing sa Mandalay. “Nagpapatatak kami ng passport (sa border) at nagtatrabaho rito. Legal kami rito,” giit niya. “Walang trabaho sa Mandalay. Hindi kami puwedeng magutom doon. Kumikita ako ng humigit-kumulang 15,000 Bhat (humigit-kumulang 425 dolyar) kada buwan mula sa amo ko. Hindi ko tindahan ito. Binabayaran ng amo ko ang pulis para sa makapagtinda ako rito … hindi ako ang nagbabayad.”

Noong Enero, naiulat na inaresto ng mga awtoridad ng Thailand ang mahigit 1,600 ilegal na migrante, na karamihan ay galing sa Myanmar, Cambodia at Laos na nagtatrabaho bilang mga tindero sa kalye o sa mga restaurant. Sa ilalim ng isang bagong batas, maaari silang sentensyahan ng limang taong pagkakakulong o pagmultahin ng hanggang 100,000 Bhat (humigit-kumulang 2,800 dolyar), at ang mga employer ng mga iligal na migrante ay haharap din sa mabibigat na multa.

Sinabi sa IDN ng isang Thai social worker, na mahigit dalawang dekadang nagtrabaho sa mga Myanmar refugee, ngunit hindi gustong mapangalanan, na mayroong humigit-kumulang apat na milyong taga-Myanmar na nagtatrabaho sa Thailand at humigit-kumulang 200,000 lang ang may legal na katayuan na magtrabaho rito. “Binabayaran nila ang mga ahente sa mga border area para makakuha ng mga work permit … libu-libong Bhat ang kinikita ng mga Thai broker mula sa bawat isa sa kanila,” paliwanag niya.

“Hangga’t nakakapagsalita sila ng Thai, kinukunsinti sila at walang pakialam ang mga Thai” dagdag pa niya. “Ang mga migranteng ito ay nagmula sa isang kultura kung saan halos lahat ng bagay ay ginagawa nang ilegal kaya wala silang nakikitang mali sa pagsasakatuparan ng mga bagay sa pamamagitan ng pagbabayad sa isang tao.”

Hindi siya nakakita ng problema para sa mga Thai street vendor (na karaniwang nagpapatakbo ng mga food stall) pagdating sa mga sustinableng kita para sa kanilang mga sarili mula sa pakikipagkalakalan sa kalye.

Sa katunayan, sinabi niya na, ang mga migranteng mangagawang ito ay maaaring makatulong na gawing mas kapaki-pakinabang at sustinable ang pagtitinda sa kalye para sa mga lokal dahil “ang mga hindi dokumentadong migrante ay hindi maaaring tumanggap ng mga trabaho na may mas mataas na bayad … kaya magtatrabaho sila para sa mga amo para mapatakbo ang kanilang mga tindahan sa kalye o magtatrabaho bilang mga katulong sa kusina.” [IDN-InDepthNew – Pebrero 15, 2018]

Most Popular