Ni Stella Paul
KATHMANDU (IDN) — Ang 21 taong gulang na si Pabitra Bhattarai ay isang mahiyaing batang babaeng mahina ang boses at madaling ngumiti. Pero tanungin siya tungkol sa mga serbisyo sa kalusugang seksuwal at dagling mawawala ang pagkamahiyain habang marubdob siyang nagsasalita tungkol sa kung paano dapat magkaroon ng mga karapatan sa gayong mga serbisyo ang kabataan ng kanyang bansa.
“Nasa balikat ng kabataan ang pagtakbo ng aming bansa. Kaya hindi namin puwedeng ilagay sa panganib ang pagkakaroon ng isang bansang puno ng kabataang may HIV. Dapat kaming magkaroon ng lubos na daan sa mga serbisyon sa kalusugang seksuwal at reproduktibo (SRHR),” sabi niya, biglang parang mas matandang mangusap kaysa sa kanyang edad.
Pero hindi retorika lang ang nagpapakilala kay Bhattarai na nagpapayo na at nagmumulat sa daan-daang kabataan — karamihan sa kanila ay mga estudyante ng hayskul — tungkol sa SRHR. “Nakapunta na ako sa higit 20 eskuwelahan sa Bhaktapur, Kirtipur at Lalitpur,” sabi niya.
Kabataan para sa kabataan
Sa isang umaga ng Oktubre, nakita ng IDN si Bhattarai at dalawang ibang kabataan habang papasok sa isang hayskul na pinapatakbo ng gobyerno. Ang mga kabataan, sinanay at sinuportahan ng Marie Stopes International (MSI) — isang pandaigdigang organisasyong tinatrabaho ang SRHR — ay bahagi ng isang grupong may 10 kasapi na tinatawag na ‘Rocket and Space’ na layuning magpaalam at magbigay ng SRHR sa bawat kabataan sa kanilang siyudad at rehiyon.
Sinusubukang pumara ng taksi ng mga kabataan sa Putali Sadak – isang abalang palengke ng Kathmandu. Pero nalaman nila pagkaraan na may welga ng taksi sa siyudad at ang tanging sasakyang makukuha nila ay isang van na panghatid ng peryodiko na walang mga upuan. Pero nabigo itong panghinain ang kanilang loob dahil mabilis silang naupo sa sahig ng van at nagsimula, handa para sa isang oras na biyahe papunta sa isang hayskul na pinapatakbo ng gobyerno sa kapitbahayan ng Baudha.
Naimbitahan sila ng prinsipal ng eskuwelahan, ipinaalam ni Bhattarai, na kausapin ang mga estudyante sa gradong 11 at 12 tungkol sa kalusugan at kalinisang seksuwal. “Iniisip nilang mas mabuti ang kaya naming gawin (kaysa sa kanila),” sabi niya nang may hibo ng pagmamalaki sa kanyang tinig.
Pagkaraan ng isang oras, tatlong kabataan ang bumaba sa van at pumasok sa isang gusaling parang moog ng eskuwelahang pinapatakbo ng gobyerno. Nakaupo sa dalawang madilim-dilim na mga kuwarto ng gusaling may tatlong palapag ang halos isang daang kasibulang lalaki at babae. Habang pinupulong ng kasamahan niyang lalaking si Suraj ang mga batang lalaki, papunta sa kuwarto ng mga batang babae sina Bhattarai at kasamahang babae na si Deepali Pradhan.
Espesyal na hiniling ng mga awtoridad ng eskuwelahan sa mga boluntaryo na sabihin sa mga estudyanteng batang babae ang tungkol sa regla, sabi ni Pradhan. Kaya sa susunod na 45 minuto, ipinaliwanag ng mga batang kababaihan sa kanilang tagapakinig ang proseso ng regla: sinisimulan nila ang kumbersasyon sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga estudyante kung ano ang nabago mula nang unang reglahin sila.
Tipikal na magtitinginan ang bawat isa at kabadong ngingiti. Hinihikayat sila ng mga kabataang manggagawa na magsalita, sinasabing, “Tingnan ninyo, katulad lang ninyo ako, parang ate ninyo ako.” Unti-unti, isang batang babae ang tatayo at sasabihin ang “pagsibol ng mga suso”. Hihilingin ni Bhattarai sa lahat na palakpakan ang estudyante. Sa gayon, magsisimulang matunaw ang yelo.
Sa susunod na 45 minuto, matatalakay nina Bhattarai at Pradhan ang lahat ng aspekto ng regla at kung paano bilangin ito at ang halaga ng pagpapanatili ng kalinisan habang may regla. “Napapahiya ang mga kasapi ng kanilang pamilya at mga guro nila na pag-usapan ang ganitong mga bagay. At nahihiya rin ang mga batang babae na magtanong. Pero kapag nagsalita kami, nakikinig sila. Inaakala nilang kaibigan nila kami,” sabi ni Pradhan.
Sa kuwarto ng mga batang lalaki, nagsasalita si Suraj Khadka, ang batang kasapi ng Rocket and Space, tungkol sa pagsibol, pisikal na pagkaakit sa kabilang kasarian, pagsasalsal, condom at ang halaga ng ligtas na seks.
Labing-siyam na taong gulang si Dan Bahadur at may pisikal na kapansanan. Mula Mayo ng taong ito, iminumulat niya ang kapwa kabataang may disabilidad sa kanyang siyudad tungkol sa SRHR.
May 3 milyong tao ang may disabilidad sa Nepal ngayon, sabi ni Bahadur, at halos kalahati sa kanila ang kabataan. Hindi pa nagtatagal, ihinihiwalay sila sa lipunan, sabi niya: “Minamaliit ng mga tao ang mga may disabilidad. Tiningnan sila bilang mga taong nagdala ng malas sa kapwa.”
Pero ngayon may mga espesyal na pasilidad para sa mga taong may disabilidad, kasama ang quota sa mga institusyon ng edukasyon at mga trabaho sa gobyerno.
Gayon man, pagdating sa kalusugang seksuwal, ang mga taong may disabilidad, lalo na ang kabataan ay normal na nalilimutan. Gustong baguhin ni Bahadur ang gayon, pero sa ngayon, nananatiling malaking hamon ang layuning iyon. “Tinatawanan ako ng mga tao kapag nagsasalita ako tungkol sa SRHR. Iniisip ng ibang kabaliwan ito at tinatanong pa ako, “meron bang normal na seksuwal na pangangailangan ang mga taong may disabilidad?”
Maraming tao, gayon man, ang sumusuporta sa kanya. Marami sa kanila ang mula sa mga taong may disabilidad mismo, kasama ang mga manlalaro mula sa pambansang Wheelchair Basketball Association — isang institusyong nagtataguyod at nagkakampanya para sa mga taong mahilig sa palakasan na may disabilidad. Nakilala ni Bahadur ang ilang manlalaro, ipinaalam sa kanila ang kanilang mga karapatang SRHR, kasama ang kontrasepsiyon, pagpapalaglag, pagpapayo sa kalusugang seksuwal at kalinisan.
Ipinapaliwanag ni Nilima Raut, project manager ng Kabataan ng MSI, na “Ang pangunahing islogan ng UN na Sustainable Development Goals mismo ay ‘Walang Sinumang Maiiwan” at sa pag-abot sa mga kabataang may disabilidad nagsisikap kaming makamit ang gayon.”
Maraming hamon, gayon man, dahil ang lipunan ng Nepal ay konserbatibo sa kalakhan kung saan bawal pag-usapan ang seks. Sabi ni Vinuka Basnet, 20 taong gulang na estudyante ng kolehiyo na nagitla ang mga magulang niya nang malamang nagtratrabaho siya bilang manggagawa ng kalusugang seksuwal. ‘Napahiya sila at natakot na ituturo ako ng lahat at sasabihin “nagsasalita siya tungkol sa seks”. Matagal bago niya napaliwanagan ang mga magulang niya, naalala niya.
Sinasabi ni Suraj Khadka na dahil hindi kasama ang edukasyon sa seks sa silabus ng eskuwelahan, hindi nakikita ng mga estudyante na sapat ang halaga ng mga leksiyon niya. “Nagtatawa sila at tinatanong ako ng mga tanong na walang kuwenta.” May solusyon siya, gayon man: “Hayaan silang tumawa, pero hikayatin silang magtanong ng mahalaga sa kanila.”
Ang ibang tulad ni Dan Bahadur ay madalas matagpuang mapaghamon ang pakikipag-usap tungkol sa kalusugang seksuwal sa lokal na wika: “Tingnan ang ‘takipsilim’ halimbawa. Walang kasinghulugan iyan sa Nepali. Ang mga kabataang may disabilidad na may pinsala sa gulugod ay magsasabi ng takipsilim, pero hindi nila mararamdaman dahil paralisado sila mula sa baywang. Mahalaga ito para sa kanila, gayon din para sa mga nag-aalaga sa kanilang malaman ito, para mapanatili nila ang kalinisan. Pero kapag sinusubukan kong ipaliwanag ito, nauubusan ako ng mga salita.”
Pero dahil nakadepende ang tagumpay ng mga kabataang edukador ng SRHR sa kanilang pakikipagtalastasan sa kanilang kapwa kabataan, gumawa sila ng mapanlikhang mga paraan para maigpawan ang mga hadlang sa komunikasyon.
Ipinakita ni Vinuka Basnet ang ilang kasangkapan na kasama ang may kulay na mga larawan ng anatomiya ng lalaki at babae at reproduktibong mga organo, mga poster, mga tisert na maliwanag ang kulay at mga pulseras na may islogang tulad ng “Walang condom, walang seks” at “Ako ay rock star.”
Dala nila ang mga kasangkapang ito sa bawat pulong. Ginagamit ang mga poster at mga larawan sa edukasyon ng kabataan, habang ang mga short at pulseras ay ipinamamahagi sa mga dumalo para positibo at masigabo ang tugon.
Isinabatas ng Nepal ang pagpapalaglag noong 2002 para makamit ang MDG 5, ang Millennium Development Goal 5 (para mabawasan ang kamatayan ng ina nang 134/10,000 sa 2015). Habang nasa panahon ng MDG (2000-2015), mahalagang sumulong ang bansa at bumaba ang tantos ng kamatayan mula 581/10,100 buhay na pagsilang hanggang 281/10,000 buhay na pagsilang (National Demographic Health Survey, 2011).
Pero ipinapakita ng pinakahuling estdistika na napakataas pa rin ng di-natugunang pangangailangan sa kontrasepsiyon ng Nepal (27.5%) sa rehiyon ng Asya. Sa punto ng tagapagpakita ng di-natugunang pangangailangan, di-kukulangin sa 14% at 12% ng may-asawa o may kinakasamang kababaihang nasa edad ng pag-aanak, sa Timog Asya at Timong Silangang Asya, ang gustong antalahin o iwasan ang pagdadalang-tao pero hindi kayang gawin. Gayon din, halos kalahati ng populasyon ang hindi alam na legal ang pagpapalaglag sa bansa.
Dito nakagagawa ng malaking ambag ang mga kabataang boluntaryo ng kalusugan, dinadala ang SRHR sa pinakamahina at nangangailangang seksiyon ng lipunan: mga manggagawang migrante, mga naninirahan sa iskwater at kabataang kababaihang nangibang-bayan ang mga asawa bilang migranteng manggagawa.
Si Kavita Chulagani ay isang 23 taong gulang na batang inang may asawang nagtratrabaho sa Gitnang Silangan bilang drayber. Gumagamit si Kavita ng vaginal implants bilang kontraseptibo, na natanggap niya nang libre mula sa isang klinikang pinapangasiwaan ng Marie Stopes. “Mahihirapan dapat akong kuhanin ito,” sabi ng batang inang nakatira sa isang iskwater sa labas ng siyudad, “pero pinapunta ako sa lugar na ito ng mga kabataang manggagawa. Sinasabi ko ngayon sa kababaihang kapitbahay ko na pumunta rin dito,” sabi niya.
Ayon kay Raut, higit 100% ang itinaas ng pangangailangan sa mga serbisyo ng SRHR mula nang simulan ang proyekto ng kabataan. “Marami pa ring taong aabutin, pero binibigyan kami ng pag-asa ng tumataas na pangangailangan,” pagbubuod niya. [IDN-InDepthNews — 24 Nobyembre 2016]
Larawan: Nag-uusap-usap ang kabataan ng Rocket and Space na grupo sa Kathmandu kung paano gawing mas epektibo ang kanilang mga presentasyon ng Mga Karapatang Seksuwal at Reproduktibo. Kredito: Stella Paul | IDN-INPS
Ang IDN ay tagabandila ng International Press Syndicate.