INPS Japan
HomeLanguageTagalogUN, Pinuri ang Kontribusyon ng VODAN para Labanan ang...

UN, Pinuri ang Kontribusyon ng VODAN para Labanan ang COVID-19 sa Africa

Ni Reinhard Jacobsen

BRUSSELS (IDN) — Pinapurihan ng United Nations ang VODAN-AFRICA para sa kanilang makabagong pamamaraan sa “pagbabahagi at muling paggamit ng datos sa ilalim ng kasalukuyang kalagayan ng COVID-19”. Ang Virus Outbreak Data Network ay isang sistema ng pagbabahagi ng datos sa Coronavirus na tinitiyak na nananatili ang impormasyon sa bansang lumikha nito, sa halip na ma-export at maging hindi available sa mga lokal na doktor at siyentipiko.

Kinabibilangan ang network ng mga computer scientist at eksperto sa pamamahala ng pangkalusugang datos, mga clinician at mga social scientist mula sa lahat ng kalahok na bansa. Sa kasalukuyan, kasama sa mga ito ang Uganda, Kenya, Ethiopia, Nigeria, Tunisia, Liberia at Zimbabwe.

Ang espesyalisadong ahensya ng UN, ang United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) sa isang ulat na pinamagatang Engineering for Sustainable Development: Delivering on the Sustainable Development Goals, na inilathala noong Marso 3, ay binabanggit ang VODAN-AFRICA bilang isang teknikal na inobasyon para sa datos ng pandemya ng COVID-19:

“Halimbawa, ang mga prinsipyong pinagbabatayan ng pananaliksik sa Kampala International University sa Uganda, ay nakasentro sa palibot ng ‘kolaborasyong nasa konteksto’, na nagpapalakas sa pangunguna nito sa Virus Outbreak Data Network na binubuo ng maraming bansa para pamahalaan ang datos ng pandemya ng COVID-19 sa Africa na nakapaloob sa mga panuntunan ng soberanya ng datos.”

Si Professor Mirjam van Reisen, ang pandaigdigang coordinator ng VODAN at isang punong tagapagsaliksik ng programa mula sa Leiden University Medical Centre (LUMC), ay masaya sa pagkilala ng UNESCO.

“Itinatag ang VODAN-Africa isang taon na ang nakakaraan, noong idineklara ang krisis ng COVID-19 bilang isang pandaigdigang pandemya. Ang background ay ang naging karanasan sa datos ng Ebola mula sa krisis sa Liberia. Sa ngayon, ang Ministri ng Kalusugan sa Liberia ay walang kumpletong hanay ng mga datos na ito.”

Sinasabi ni Van Reisen na ang karanasan sa Africa ay nililisan ng pangkalusugang datos ang kontinente at hindi na bumabalik. Kung hindi mapapakinabangan ang mga datos na iyon, kaunti ang pagnanais sa kontinente na ibahagi ang datos. “Nalutas iyon ng VODAN-AFRICA.”

Iniimbak ang datos sa iisang lugar. Mapupuntahan lang ang datos—depende sa kung anumang access ang ipinagkaloob. Iginagalang ang lahat ng pagkapribado at seguridad ng datos alinsunod sa pinakamataas na pamantayan ng GDPR.

Pwedeng magsagawa ng mga query ukol sa datos, at samakatuwid, makakapag-ambag ang datos na ito sa pag-unawa ng COVID-19 sa kontinente ng Africa.

Nagbibigay ang VODAN-AFRICA ng dashboard ng pantotoong buhay na datos sa loob ng klinika kung saan din iniimbak ang datos. Nakakamit ang real-time na dashboard dahil nababasa ng machine ang datos. Ibinibigay ang teknolohiyang ito bilang bagong matalinong teknolohiya na tutulong na magdulot ng napakalaking pagbabago sa pangangalagang pangkalusugan. Bukod dito, pwedeng magsagawa ng mga pinagsama-samang query ng datos kung inaprubahan at kapag inaprubahan ng mga klinika, at sa ilalim ng mga patnubay ng kani-kanilang Ministri ng Kalusugan.

Dalawang linggo pa lang ang nakakaraan, ipinanukala ng World Health Organization (WHO) na ang kinabukasan ng pangkalusugang datos ay pagtibayin na maging SMART, nang may tuon sa pakinabang ng mga datos na ito para pahusayin ang kalidad ng kalusugan.

Ang ibig sabihin ng SMART ay Standards-based, Machine-readable, Adaptive, Requirements-based, and Testable. Kinabibilangan ang SMART Guideline approach ng dokumentasyon, mga pamamaraan, at mga digital na kagamitang pangkalusugan, na ipinakilala sa isang bagong komento na inilathala sa The Lancet Digital Health.

Nakikinita ng WHO ang isang hinaharap kung saan ang lahat ng tao sa buong mundo ay nakikinabang nang buo at agad-agad sa mga rekomendasyon ukol sa klinika, sa pampublikong kalusugan, at sa paggamit ng datos. Ang SMART Guidelines ay isang bagong pamamaraan para isasistema at pabilisin ang tuloy-tuloy na aplikasyon ng mga inirekomendang pansagip-buhay na interbensyon sa digital na panahon.

Ang kahalagahan nito ay nakasalalay sa katotohanan na ang mga patnubay ng WHO ay malinaw na nagpapahayag at nagtataguyod ng mga mahigpit na sinubukang rekomendasyon para mapagtibay ang mga pangkalusugang interbensyon sa loob ng mga programang pambansa. “Kapag nailapat nang tama at tuloy-tuloy, ang mga patnubay na rekomendasyon ay nakakapagligtas ng mga buhay,” sabi ng WHO.

“Sa araw at panahong ito, ang mahigpit na proseso ng pagbuo ng patnubay ng WHO ay isang bahagi lang ng pagpapahusay ng mga kahihinatnan ng kalusugan para sa mga tao sa buong mundo,” sabi ni Dr Soumya Swaminathan, Punong Siyentipiko ng WHO.

“Nagiging makabuluhan ang mga rekomendasyon kapag aktwal na nagagamit ang mga ito at epektibong nailalapat sa mga lokal na sistema sa pambansang lebel; kapag nakahanay ang mga ito sa isang umuusbong na basehan ng ebidensya. Ang SMART Guidelines ay isang tagapangunang pamamaraan sa transpormasyon ng mga digital na sistemang pangkalusugan.

Ang proyekto ng VODAN-AFRICA ay pinangungunahan ng Kampala International University (KIU) sa Uganda, at si Prof Francisca Oladipo ay ehekutibong coordinator ng VODAN-AFRICA at isang miyembro ng Pan African Academy of Sciences.

Sinasabi ni Professor Oladipo na: “Mula noong COVID-19, napagtanto natin na madali tayong makakapagtrabaho gamit ang zoom kasama ng mga eksperto mula sa iba’t ibang panig ng kontinente. Nakikipagtulungan kami sa 12 unibersidad sa buong kontinente upang pag-ibayuhin ang aming mga kapasidad at ng aming mga mag-aaral. Nakikipagpulong kami bawat linggo sa 40 eksperto gamit ang zoom. Ipinakita ng programang ito na sama-sama maaari nating makamit ang kritikal na inobasyon para sa kontinente, at ipinagmamalaki namin ito.”

Upang mas lalo pang samantalahin ang digitalization sa kontinente, bumuo rin ang team ng mga on-line na kurikulum sa pag-aaral para matiyak na ang inobasyon ay masusuportahan ng sapat na kadalubhasaan at lilikha ng trabaho sa kontinente. Ang mga on-line na kurikulum ay magiging available nang libre para suportahan ang mga guro at mag-aaral sa Digital Learning Platform ng Kampala International University.

“Sa Africa, lumilipat na kami sa digital na kalusugan at edukasyon”, sabi ni Professor Oladipo “at makikinabang ang aming kabataan sa kanilang pagkakabilang sa digital na ekonomiya. Nasisiyahan kaming makita ang papuri sa mga programa at determinado kaming makagawa ng epekto na pakikinabangan ng mga tao sa aming kontinente.” [IDN-InDepthNews – Marso 12, 2021]

Larawan: VODAN-AFRICA

Most Popular